Participants sa Gov. Sering Cup darating na

Nakatakdang dumating sa bansa bukas ang unang batch ng mga dayuhang atleta na magpapakita ng aksiyon sa Milo National Open at Invitational track and field championship, habang ang main bulk ay darating sa Abril 30, isang araw bago simulan ang nasabing kompetisyon sa Rizal track oval.

Ito ang inihayag kahapon ng Philippine Amateur Track and Field Association na maging ang mga local na kalahok ay nagsisimula ng magdatingan simula kahapon mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Siniguro ni PATAFA president Go Teng Kok na ang lahat ay handa na para sa preparasyon ng nasabing championship na kikilalanin din bilang Gov. Jose Sering Cup, kung saan aabot sa mahigit 100 atleta mula sa 10 bansa ang inaasahang sasabak sa aksiyon.

"We are expecting smooth sailling in the National Open," ani Go na siniguro niya na ang mananalo sa Mayo 1-4 championship ang siyang awtomatikong mabibigyan ng slot para sa ikatlong yugto ng Asian Amateur Athletic Association Grand Prix sa Mayo 26 sa Rizal Memorial Sports Complex.

Darating bukas ang Brunei at Sri Lanka, habang ang mga entries mula sa Hongkong, Singapore, Vietnam, Indonesia, Malaysia, Sabah-Malaysia, Thailand at Papua New Guinea ay lalapag sa Abril 30.

Darating din bukas ang national team members sa pangunguna nina Southeast Asian Games gold medalists Eduardo Buenavista, John Lozada at Fidel Gallenero mula sa kani-kanilang pagsasanay sa Baguio City.

Show comments