Lhuillier Gems solo lider sa MBA 1st conference

Inangkin ng Cebuana Lhuillier Gems ang solong pangunguna sa MBA First Conference matapos na iposte ang 107-103 panalo kontra Professional Davao Eagles noong Lunes ng gabi sa punom-punong Cebu City Coliseum.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Gems na kinailangang dumaan sa overtime bago nila napayukod ang Osaka Pangasinan Waves, 109-99 sa pagbubukas ng liga noong Sabado.

Nagtulungan sina Bruce Dacia, Chris de Jesus at Jer-cules Tangkay ng basket nang agawin ng Gems ang trangko sa 103-101 na naghatid sa kanila sa tagumpay.

"We’re okay now. The boys are slowly adapting to my system," pahayag ni Gems coach Francis Rodriguez. "We’ve fulfilled our first goal of winning our first two home games."

Hawak ng Gems ang 101-93 bentahe mula sa basket ni de Jesus, nagawang agawin ng Eagles ang pangunguna nang magbaba ng 10 puntos sa huling 3:00 minuto ng laro.

Tumapos si Dacia ng 23 puntos at nakakuha ito ng suporta mula kina de Jesus, Egay Echavez, Tangkay at Jessie Lumantas na pawang tumapos ng double-figures.

Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang RCPI Negros at Olongapo sa Olongapo Convention Center na ang mananalo ang makakasama ng Cebuana Lhuillier sa liderato.

Show comments