Negros vs Olongapo sa MBA 1st Conference

Sosyo sa liderato ang kapwa pagtutuunan ng atensiyon ng RCPI Negros at Olongapo sa kanilang nakatakdang engkuwentro ngayong alas-6 ng gabi sa MBA First Conference sa Olongapo Convention Center.

Nagtala ang Negros Slashers at Olongapo Volunteers ng unang panalo noong Linggo upang makatabla sa pansamantalang pangunguna ang opening day winners Cebuana Lhuillier at Professional Davao Eagles sa eight-team field.

Naging matatag ang Slashers sa ibinigay na hamon ng nagbabalik na Pampanga Stars nang kanila itong biguin sa overtime, 76-67, habang pinabagsak naman ng Volunteers ang Batangas Blades, 90-85 sa kanilang sariling balwarte.

Nagpakitang-gilas ang Fil-Am na si Jeffrey Flowers nang tumapos ito ng 29 puntos upang ihatid ang Volunteers sa kanilang maningning na debut kung saan nakakuha siya ng suporta mula kina Johndell Cardel at Henry Fernandez na tumapyas ng 19 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Show comments