PBL Challenge Cup: Montana may pag-asa pa

Buhay pa rin ang tsansa ng Montana Jewels na makausad sa quarterfinal round matapos itakas ang 79-76 panalo kontra sa Kutitap Toothpaste sa pagpapatuloy ng PBL Challenge Cup sa Makati Coliseum kahapon.

Sapat na ang huling tatlong puntos ni Aries Dimaunahan para sa Jewelers na sinabayan naman ng kamalasan ng Teeth Sparklers na sanhi ng ikatlong panalo ng Montana sa 11 pakikipaglaban.

Matapos ang agawan ng bola, nagkaroon ng pagkakataon si Cyrus Baguio na isalba ang Kutitap, ngunit nagmintis ang kanyang triple attempt sa huling 4.5 segundo sanhi ng kanilang kabiguan.

Binasag ni Dimaunahan ang 76-all pagtatabla ng score sa pamamagitan ng kanyang one-handed shot, 10.5 segundo ang oras sa laro at muling nakakuha ng posesyon ang Montana sanhi ng turn-over ng kabilang panig nang mapalakas ang pasa ni Jaymar Rivera kay Allan Salangsang.

Nakahugot ng foul si Dimaunahan mula kay Salangsang at umiskor ng split shot para sa final score bago tuluyang napasakamay ng Montana ang panalo upang mabigong makapag-convert ang Kutitap sa kanilang huling posesyon, sanhi ng kanilang ikaanim na kabiguan sa 10-laro.

Obligado pa rin ang Montana na ipanalo ang huling nalalabing laro sa elimination upang maka-hirit sa crossover semi-finals.(Ulat ni C. Ochoa)

Show comments