Taglay ang impresibong 4-0 win-loss slate, haharapin ng SMC-quintet ang RCBC na may 2-2 record sa unang asignatura dakong alas-8:30 ng umaga.
Bagamat ga-hiblang naitakas ng Beermen ang kanilang panalo kontra sa five-time champion STARmen noong nakaraang Nov. 10, sasabak pa rin sa aksiyon ang SMC-quintet na taglay ang kanilang mas mataas na morale upang isara ang kanilang kampanya sa elimination round na may malinis na record.
Tinalo ng SMC ang Starmen sa iskor na 81-79 kung saan sa labang ito, di nagawang makalayo ng husto ng Beermen na binanderahan ng apat na ex-pro na sina Allan Caidic, Samboy Lim, Art dela Cruz at Siot Tanquincen.
Taliwas ito sa Phil. Star, papagitna sila sa playing area na taglay naman ang matinding paghihiganti mula sa kanilang nalasap na unang kabiguan na siyang dumiskaril sa kanilang inaasam-asam na malinis na pagtiklop ng elimination round bunga ng 3-1 kartada.
At ang pagbubuntunan ngayon ng ngitngit ng tropa ni coach Noli Her-nandez ay ang koponan ng RFM na kanilang makakasagupa sa huling laro bandang alas-11:30 ng umaga.
Isang panalo pa lamang ang naitatala ng RFM matapos ang kanilang apat na laro, na kahit na manalo sila ay wala na ring halaga.
Inaasahang kakayod ng husto sa STARmen sina Jon de Guzman, Noli Lapeña, Arnel Ferrer, Albert Bartolome, Joey Viduya, Rene Recto at Noel Cabales na pumutok sa rainbow area noong huling laro at kinapos lamang siya ng suporta mula sa mga ka-teammates.
At dahil wala na si Sonny Oriondo, inaasahang si Non Alquitran ang siyang babalikat sa iniwang puwesto ng una upang tulungan ang kanyang mga kasamahan na iangat ang STARmen.
Aasintahin naman ng ABS-CBN na maitala ang kanilang ikatlong panalo sa kanilang sagupaan ng wala pa ring panalong UCPB sa alas-10 ng umaga.