Sa katunayan, inaasahan na ang mahigpit na labanan sa pagitan nina Alaska import Ron Riley at Tanduay center Eric Menk na parehong nagpakita ng impresibong laro sa mga labang napaka-importante sa kanilang koponan.
At saka nilaro ang huling game ng coverage period.
Sa kabilang bahagi ng court ay ang Sta. Lucia na nakakasiguro na ng bentaheng twice-to-beat sa quarterfinal round ng kasalukuyang PBA Governors Cup at sa kabila naman ay ang Shell na naghahangad na makuha rin ang naturang insentibo para sa top four teams sa pagtatapos ng eliminations.
Inaasahang hindi na magiging kapana-panabik ang labanan dahil inaasahang tatalunin ng Turbo Chargers ang Realtors at walang ma-gandang mapapanood sa naturang laban.
Ngunit hindi ito ang nangyari nang umangat si Askia Jones upang patunayan na isa siyang tunay na shooter.
Sa simula pa lamang ng labanan, nagbadya na ng isang sorpresa ang dating Kansas State Star dahil sa first half pa lamang ay humakot na ito ng 37 puntos.
Nang tumunog ang final buzzer, nakopo ni Jones ang Player of the Week citation base sa botohan ng mga miyembro ng PBA Press Corps.
Tumapos si Jones ng 60-puntos, kinulang lamang ng isang puntos sa season-high na itinala ni Jerrod Ward na kanyang naitala sa nakaraang Commissioners Cup, upang ihatid ang Shell sa 111-88 panalo kontra sa Sta. Lucia.
Ito ang nagkaloob sa Turbo Chargers ng twice-to-beat advantage.
Si Jones ay 10-of-19 sa three-point range, ang iba nito ay malayo sa arc. Kumumpleto rin ito ng bibihirang four-point play laban kay Mike Orquillas at mayroon ding naikonektang tres malapit na sa midcourt na sanay may premyong kalahating milyon kung kasali ito sa Miracle shot na isinagawa sa pagitan ng mga laro.
"He really was hot tonight. He came out and shot exceptionally well and once he started getting into the flow, it was hard to stop him," ani Shell coach Perry Ronquillo.
Bagamat kahanga-hanga ang naging performance ni Jones, hindi ito nakapagtataka.
Si Jones ay gumawa ng 14-triple, isang record sa US National Collegiate Athletics Association para tumapos ng 64-puntos.
Marami ang nagsabi na magagawa rin niya ito sa PBA at noong Linggo ng gabi, nagningning si Jones sa kabila ng naranasang kadiliman sa buong Luzon dulot ng malawakang blackout.
Kung nawalan ng kuryente ang karamihan, hindi naubusan nito ang Shell dahil sa di mapigilan si Jones na kung hindi maagang inilabas dahil umangat na ng 30-puntos ang Turbo Chargers, mahihigitan sana nito ang rcord ni Ward.