Itoy makaraang sungkitin ng NU Bulldogs ang ikaapat at kahuli-hulihang slot sa Final Four.
Malamoog na depensa ang pinaalpas ng NU Bulldogs sa huling maiinit na bahagi ng laro upang itakas ang 108-102 panalo sa double overtime kontra sa UE Warriors kahapon sa kanilang do-or-die game sa Araneta Coliseum.
Ito ang kauna-unahang pagkakataong napasama ang NU Bulldogs sa semis mula ng sumali sa liga.
Sisimulan ng NU ang kanilang kampanya sa semis round sa Linggo kontra sa defending champion De La Salle University sa Araneta Coliseum.
Lamang ang Bulldogs ng apat na puntos, 104-100, 37.1 segundo na lamang ang nalalabi sa laro sa ikalawang extension period, nauwi sa wala ang pagsisikap ni Paolo Hubalde na mailapit ang iskor nang sumablay ang kanyang tangka, bago sinundan ito ng flagrant foul ni Paul Artadi kay Ronnie Cajayon, may 18.6 segundo ang nala-labi sa laro.
Kampanteng tumuntong si Cajayon sa free throw lane at isinalpak ang dalawang charity shots para sa 106-100 at dahil sa flagrant foul ni Artadi, muling napasakamay ng NU ang bola, subalit di rin nakakonekta ang Bulldogs.
At sa sumunod na play, naibaba ni Jhayson Alminario ang kalamangan ng Bulldogs sa 106-102, may 6.5 segundo na lamang sa tikada, at dahil sa wala ng oras, hindi na nagawa pang makabangon ng UE mula sa kanilang kinalulubugan.
"Ayaw matalo ng mga bata. I saw the fire in their eyes. They were really ready for this game," ani NU coach Manny Dandan, na nasa kanyang ikaapat na season bilang coach ng Bulldogs.
Naipuwersa ng UE ang unang extension matapos ang dalawang free throws ni Arnold Booker mula sa foul ni Froilan Baguion para sa 81-all, may 21.3 segundo na lamang sa oras.
Hindi nagawang ipanalo ng NU ang laro matapos na sumablay ang basket ni Alfie Grijaldo na siyang dahilan ng unang extension period.
Muling nahatak ng UE ang laro sa extra limang minuto ng mula sa 94 pagtatabla ng iskor, matapos ang short stab ni Ronquillo, may 5.3 segundo na lamang sa tikada, nasupalpal ni Chico Manabat ang tangka ni RJ Masbang na siyang dahilan ng pani-bagong extra limang minuto ng laro.