UAAP Basketball: Warriors nakasiguro na sa playoff

Nakasiguro ang University of the East ng playoff para sa huling slot ng Final Four matapos maungusan ang National University, 80-77 kahapon sa UAAP men’s basketball tournament sa Ateneo Gym.

Awtomatikong makakapasok sa Final Four ang UE Warriors kung tatalunin nila ang talsik na sa kontensiyong Santo Tomas bukas ngunit kung sila’y mabibigo ay kailangan nilang harapin ang matatalo sa laban ng Bulldogs at Far Eastern sa Linggo.

Umiskor ng dalawang free-throws si Chico Manabat upang ihatid ang East sa 80-72 kalamangan, 31.9 segundo ang nalalabing oras sa laro na naging tuntungan ng Warriors sa kanilang tagumpay.

Gumawa ng 5-0 run ang Nationals ngunit kinapos sa oras sanhi ng kanilang ikaanim na pagkatalo sa 13 laro katabla ang Warriors.

Sa juniors games, winakasan ng UE Pages ang nine-game losing streak sa pamamagitan ng 68-65 panalo kontra sa NU Bullpups habang nakopo naman ng Ateneo Eaglets ang liderato sa juniors division matapos ang 75-53 pananalasa sa UPIS na nagkaloob sa kanila ng 10-2 record.

Show comments