Agad umarangkada ang TJ Hotdogs sa kaagahan ng labanan upang umabante ng 22 puntos kahit na di-gaanong naasahan ang serbisyo ni E.J. Feihl dahil sa kanyang nananakit na tuhod.
Hindi nakapag-ensayo si Feihl kamakalawa dahil huli nang dumating ang negatibong resulta ng kanyang pagsusuri sa nananakit na tuhod.
Gayunpaman, naitala ng Purefoods ang ikatlong panalo sa 5 laro at nalasap naman ng Sta. Lucia ang ikaapat na pagkatalo sa 5 laro.
"Mabuti na lang maganda ang ginawa nina Castillo (Noy) at Seigle (Andy) na nakatulong ng malaki sa team dahil kulang kami sa sentro," wika ni coach Dereck Pumaren hinggil sa di paglalaro ni E.J. Feihl na nananakit ang tuhod.
Naibandera ng Purefoods ang pinakamalaking kalamangan na 51-29, 4:45 ang oras sa ikatlong quarter na nagpahirap sa Realtors na makabangon.
Nakalapit lamang ang Sta. Lucia ng hanggang sa siyam na puntos, 52-61 matapos ang 9-0 run na pinangunahan ni Francis Belano, 8:58 ang oras sa fourth quarter.
Umiskor si Noy Castillo at Boyet Fernandez ng magkasunod na tres upang tuluyan nang idiskaril ang layunin ng Sta. Lucia.
Naging maamong tupa ang Realtors sa unang bahagi ng labanan partikular na sa ikalawa kung saan ang Realtors ay may 2-of-14 lamang mula sa field.
Nagtala ang Sta. Lucia ng 9-of-29 para sa 31% field goal sa first half kumpara sa 50% ng Purefoods mula sa 11-of-34.
Umabante ng 19 puntos ang Purefoods sa ikalawang quarter, 38-19 matapos ang basket ni Roger Yap na tumapos ng 11-3 run.
Kumawala ang TJ Hotdogs sa huling bahagi ng first half nang pangunahan ni Noy Castillo ang maiinit na 10-0 run upang iselyo ang unang canto sa 26-16 bentahe.
Tumapos si Castillo ng 18 puntos upang pamunuan ang tatlo pa niyang kasamahan na nagtala ng double digits.
Nagposte rin sina Seigle 16 puntos, habang umiskor sina Rey Evangelista at Alvin Patrimonio ng 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
At dahil sa malalintang depensa ng Hotdogs, di nagawang manalasa ni Marlou Aquino na tumapos lamang ng 14 puntos.