Makulimlim ang Year 2000 para sa Phil. Sports (part 2))

Pasalamat rin ang RP sports at mayroong isang Adeline Dumapong na sa kabila ng kanyang kapansanan ay nagawa niyang iangat ang kahihiyan ng bansa sa sinapit na Olympics.

Sinikap ni Dumapong, isang powerlifter na makamit ang tagumpay at suwerteng pinalad na makapag-uwi ng bronze medal mula sa ginanap na Paralympics Games sa Sydney noong unang linggo ng Oktubre.

Hindi pa man nakakaahon sa mga kabiguang dinanas ang RP sports, panibagong sakit naman ang kanilang narasan.

Buwan ng Nobyembre binawasan ng pamahalaan ang inilaang pondo para sa palakasan sa taong 2001.

At ayon sa ilan, ang nasabing pondo ay hindi umano kakasya para tustusan ang mga pangangailangan sa kani-kanilang programa upang makahanap ng bagong talento at mapalakas ang grassroot development program ng bansa.

At ito ang dahilan upang magbitiw na lamang sa kanyang posisyon si Puentevella.

Ito’y sinundan ng isang mass resignation na naganap sa mga miyembro ng national team matapos na sumiklab ang gulo sa Philippine Karatedo Association makaraang akusahan ang pangulo ng asosasyon na si Pocholo Veguillas ng iba’t ibang anomalya.

Buwan ng Abril, ipinatawag si Tuason at ang kanyang mga commissioners na sina Ricardo Garcia, Leonardo Celles at Puentevella sa Senado upang magpaliwanag sa kanilang mga proyekto na kinabibilangan ng Palarong Bayan, Batang Pinoy at ang Palarong Pambansa na ang mamahala ay ang PSC na kanilang kinuha mula sa Department of Education, Culture and Sports (DECS).

Ayon kay Jaworski, ang mga naturang programa ay walang ‘scientific basis’ at bukod pa rito ang pagkakasangkot nila sa ma-anomalyang transaksiyon ng PSC.

At dito nagsimula ang pagbibitiw ni Tisha Abundo dahil siya ang pinagbintangan na siyang gumawa ng ‘apoy’ sa PSC.

Pumalit sa puwesto niya si Amparo "Wena" Lim, isang atleta.

Hindi rin nakaligtas sa mata ng Bureau of Immigration ang mga Fil-Ams players na naglalaro sa Philippine Basketball Association at maging sa Metropolitan Basketball Association.

Napatapon ng bansa sina Tongan Paul Asi Taulava ng Mobiline Phone Pals at Earl " Sonny" Alvarado ng Tanduay Gold Rhum na hindi nakapagsumite ng mga kaukulang dokumento na magpa-patunay na may dugo silang Pilipino.

Tumakas naman ng bansa si Al Segova ng Purefoods matapos na masangkot sa gulo.

Sa ikalawang pagkakataon, muling tumakbo si Go Teng Kok, pangulo ng PATAFA sa pagkapangulo ng POC.

At gaya ng inaasahan, muling nabigo si Go sa 21-11 boto at nahalal na muli si Dayrit.

At sa pagbubukas ng taong 2001, umaasa ang lahat na panibagong pakikibaka na naman ang haharapin ng bansa at sana’y isantabi na muna ang anumang pamumulitika sa sports at ang lahat ay magkasundo at magsama-sama sa iisang adhikain--ang muling maibalik ang ningning ng Pilipinas sa pandaigdigang palakasan.

Show comments