Red Bull interesado kay Bong Alvarez

Makaraan ang muling pagbabalik ng tatlong manlalaro ng Pampanga Red Dragons sa PBA, dalawang iba pang players mula sa MBA team ang nagnanais na muling makabalik sa dati nilang ligang pinaglaruan.

Ito’y matapos na ipasabi ng Batang Red Bull ang posibilidad na kanilang kunin ang serbisyo ni Paul Alvarez mula sa Pasig-Rizal Pirates, habang gumagawa na ng hakbang ang Shell Velocity na makuha si Alejandro Lim Jr., mula naman sa Iloilo Megavoltz.

Sa ngayon, tiyak na hindi muna makikipag-ayos ang Pirates dahil sa kanilang nararamdaman na ang tinaguriang "Mr. Excitement" ang siyang isa sa makapagbibigay ng katuparan ng kanilang pangarap na manalo ng kampeonato sa MBA.

Matapos na kunin nila si Alvarez mula sa Pam-panga sa isang trade na kinasangkutan nina Jonathan de Guzman at Michael Otto, tatlong buwan na ang nakakaraan, naging maganda ang kampanya ng Pirates at muntik nang manalo sa Finals ng intracon phase, pero natalo sila sa evential champion Cebu Gems sa semis.

Dahil sa salary cap, tanging ang Batang Red Bull lamang ang siyang puwedeng kumuha kay Alvarez.

Unang naglaro si Alvarez sa Alaska Milk noong 1989 bago siya napunta sa Sta. Lucia Realty, Shell Velocity, San Miguel Beer at Barangay Ginebra. At sa pagtatapos ng 1998 season matapos ang pagbibitiw ni playing coach Robert Jaworski mula sa Ginebra, tumulak na rin si Alvarez sa MBA at napunta sa Pampanga.

Ito rin ang taon nang lisanin naman ni Lim ang PBA at magtungo sa Iloilo Megavoltz. Unang lumaro ang 6-4 na si Lim, isang defense specialist sa Purefoods Tender Juicy Hotdogs bago siya nai-trade sa Shell Velocity ng sumunod na taon.

Show comments