Yakult 10 Miler sisimulan sa Nobyembre

Ilalarga na ang Yakult 10 Miler, ang pinakamahabang karera sa kalsada sa bansa na ngayon ay nasa ika-12 taon na sa Nov. 5 kung saan aabot sa 2,000 kalahok ang inaasahang magpapartisipa.

Ito ang inihayag ni Yakult Phils., Inc., Executive Vice President Haruki Anzai matapos ang nakaraang pirmahan nila ng kontrata ni marathon organizer Rudy Biscocho.

Sinabi rin ni Yakult Phils., PR manager Jun Solomon na may nakatayang special Yakult trophy para sa pinakamalaking running club delegation. At dahil sa magandang resulta, inaasahang magsusumite ng malalaking bilang ng kalahok ang mga running clubs mula sa buong Metro Manila at mga kalapit na probinsiya.

Inaasahan rin ni Solomon na mas marami pang mga mag-aaral ang sasabak sa fun run side events, isang 3K run para sa kabataan na may edad 6-12 at open division 5K run.

Kasalukuyan ng ginaganap ang rehistrasyon para sa sporting event na ito sa Greenhills Theater lobby sa Greenhills Shopping Complex sa Ortigas Ave., sa San Juan. Ang registration fee ay P50 para sa lahat ng event at ito ay hanggang Oct. 31 lamang.

Nakalaan ang mga premyo para sa Yakult 10 Miler ang mga cash developmental awards na nagkakahalaga ng P7,000, P3,000 at P2,000, ayon sa pagkakasunod ang mga tropeo para sa top three overall finishers. Ganito rin ang nakalaang premyo para sa mga kababaihan. Magbibigay rin ng karagdagang cash prizes na P1, 000 at P500 sa 4th at 5th placers sa men’s at women’s division.

Samantala, inihayag ni Biscocho na ang rehuistrasyon para sa Yakult Greenhills Running Club 5 Mile Classic ay magtatapos ngayon sa lobby ng Greenhills Theater sa Greenhills Shopping Center Ortigas Ave., sa San Juan. Para sa iba pang detalye, tumawag lamang sa 7279987.

Show comments