Espinosa vs Aragon bilang undercard sa Tyson-Golota bout

Muling susubukan ni dating World Boxing Council featherweight champion Luisito Espinosa ang kanyang tikas sa ibabaw ng lona ngayong darating na Sabado (Oct. 21) sa kanyang pakikipaglaban kontra sa Mehikanong si Ramon Aragon sa 10-round preliminary bout sa laban nina Mike Tyson at Andrew Golota. Ang paghaharap nina Tyson at Golota na siyang pina-kahihintay ng lahat, ay ipalalabas ng Viva Vintage Sports sa IBC 13 simula sa alas-2:30 ng hapon sa Sabado (Linggo sa Manila)

Tampok din sa satellite coverage mula sa Auburn Hills, Michigan ang laban nina Laila Ali, anak ni Muhammad Ali at Kendra Lenhart sa middleweight class; habang magsasagupa naman sina IBF junior welterweight champion Zab Judah na idedepensa ang kanyang titulo kontra kay Hector "El Canonero" Quiroz.

Ito ang unang pagkakataon na sasabak sa aksiyon si Espinosa matapos na matalo ang kanyang featherweight title sa hard-hitting Mexican na si Guty Espadas Jr., sa Merida noong nakaraang Mayo. Hindi gaanong kilala ang kalaban ni Espinosa na si Aragon kundi ito ay isang 23-anyos na fighter.

Si Espinosa ay binigyan ng WBC ng ranggo bilang number three featherweight sa daigdig. Ang kanyang tagumpay ang maglalagay naman sa kanya para sa title fights kontra Naseem Hamed .

Show comments