EDITORYAL — Hanapin, kotseng may plakang ‘7’
HANGGANG ngayon, hindi pa lumulutang ang may-ari ng white Cadillac Escalade na may protocol plate number “7” at pumasok sa northbound EDSA Busway sa Guadalupe, Makati City noong Linggo ng gabi. Nang tangkaing pigilan ng lady traffic enforcer na si Sarah Barnachea ang SUV, ibinaba ng drayber ang salamin at nag-“dirty finger” sa kanya at tinangka siyang sagasaan. Hinayaan na lang ng enforcer na makaalis ang SUV. Humarurot ito at nagpatuloy sa pagdaan sa EDSA Busway.
Mabilis naman ang Land Transportation Office (LTO) sa pagsasabing peke ang plate number 7 ng Cadillac. Wala raw iniisyung number “7” ang LTO sa white Cadillac kaya naniniwala silang peke ang plaka. Nakapagtataka naman na sa halip na hanapin ng LTO ang may-ari ng Cadillac para panagutin sa pagdaan sa EDSA Busway, sinabi agad na huwad.
Hanggang kahapon, wala sa 23 senador ang nagsabing sa kanila ang white Cadillac. Nanawagan naman si Senate President Francis Escudero sa LTO na kumilos at alamin kung sino ang may-ari ng SUV. Kung miyembro aniya ng Senado ang may-ari ng sasakyan, lumantad na ito at utusan ang driver ng SUV at iba pang sakay na harapin ang ginawa.
Ang protocol plate number “7” ay iniisyu sa mga senador samantalang ang number “8” ay para sa mga miyembro ng House of Representatives. Sa kabila na bawal dumaan sa EDSA Busway ang mga pribadong sasakyan kabilang ang mga may number “7” at “8”, marami pa rin ang lumalabag. Hindi sumusunod sa batas at patuloy na pumapasok o gumagamit ng busway para mabilis na makarating sa pupuntahan.
Noong Abril 11, 2024, isang itim na SUV na may plakang “7” ang mabilis na dumaan sa bus lane. Hinarang to ng MMDA traffic enforcers. Pero sa halip na tumigil, pinaharurot pa ang SUV palayo. Hindi nalaman kung sinong senador ang sakay ng SUV. Lumipas ang tatlong araw bago lumabas ang tunay na may-ari ng sasakyan—si Sen. Francis Escudero. Agad humingi ng paumanhin si Escudero at sinabing ang driver ng SUV ay kanyang family member. Pinag-report niya sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang driver at nagpaliwanag.
Ang mga exempted at maaaring gumamit ng EDSA Busway ay ang convoys ng Presidente, Bise Presidente, Speaker of the House, Senate President, at Chief Justice ng Korte Suprema.
Hanapin ng LTO ang may-ari ng Cadillac na may number “7”. Kung matatagpuan, kasuhan dahil sa tangkang pananagasa sa lady traffic enforcers at pagmultahin din sa pagdaan sa EDSA Busway. Ipatupad ang batas. Bawiin na rin ang protocol plate na iniisyu sa mga senador at kongresista sapagkat grabeng inaabuso.
- Latest