Lacson: Nambabastos sa impeachment court, mako-contempt
MANILA, Philippines — Maaaring maharap sa contempt at mapatawan ng parusa ang sinumang saksi na magpapakita ng kawalang-galang sa Senado bilang Impeachment Court, ayon kay Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson.
Ang babala ay ginawa ni Lacson matapos niyang punahin ang naging asal ni Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin, unang saksi ng depensa, na aniya’y ngumingisi, tumatawa at halos gawing katatawanan ang pagdinig noong Lunes.
Ayon kay Lacson, malinaw sa Rule V ng Senate Rules on Impeachment Trials na may kapangyarihan ang Impeachment Court na magparusa sa sinumang susuway o magpapakita ng paghamak sa awtoridad nito.
Binigyang-diin din niya na hindi lamang implied kundi tahasang ipinagkaloob sa impeachment court ang kapangyarihang mag-contempt.
Sinuportahan din ni Lacson ang panawagan ni Senator-Judge Vicente Sotto III na paalalahanan ang lahat ng testigo tungkol sa mga parusa laban sa pagsisinungaling sa korte.
Kinumpirma naman ni Presiding Officer Francis Escudero na maaaring i-cite for contempt ang mga saksing walang paggalang sa hukuman at maharap din sa kasong perjury.
- Latest




















