Nurse mas marami pa rin kaysa duktor
Isa sa kapansin-pansing katotohanan sa usapin ng kalusugan sa ating bansa ang mas malaking bilang ng mga nurse kaysa mga duktor.
Sa mga Filipino professional na piniling ipagpatuloy ang kanilang karera sa ibang bansa, kapansin-pansin din na mas marami ang mga nurse kumpara sa mga duktor.
Kung minsan, hindi maiiwasang maitanong: Bakit nga ba mas marami ang nurse kaysa duktor? Isa sa mga dahilan ay ang haba ng pag-aaral.
Magastos din namang mag-aral ng nursing ngunit ang Bachelor of Science in Nursing o BSN ay karaniwang apat na taon. Pagkatapos nito, kailangan pang pumasa sa licensure examination bago makapagpraktis bilang nurse.
Mas mahaba naman ang kailangang pagdaanan ng isang gustong maging duktor. Hindi siya maaaring direktang pumasok sa medical school pagkatapos ng senior high school. Kailangan muna niyang makatapos ng bachelor’s degree bago mag-aral ng medisina. Halos isang dekada ang pag-aaral at training bago maging lisensiyadong duktor.
Kung nais naman niyang maging espesyalista, tulad ng surgeon, pediatrician, cardiologist o dermatologist, kailangan pa niya ng karagdagang residency o specialty training. Kailangang may sapat na suporta mula sa pamilya, scholarship o ibang mapagkukunan upang maitawid ng estudyante ang maraming taon bago tuluyang makapagpraktis bilang duktor.
Hindi naman ibig sabihin nito na madaling maging nurse. Mahirap din ang kurso, may clinical training, gastusin sa pag-aaral, review at licensure examination. Ngunit kung ihahambing sa landas ng pagiging duktor, mas maikli ang panahon bago makapagsimula ng propesyon.
Sa loob naman ng ating mga ospital, kapansin-pansin ang kaibahan sa paraan ng pagtatrabaho ng mga nurse at duktor. Ang mga nurse ay karaniwang naka-duty ayon sa itinakdang shift at naroroon sa kanilang unit habang oras ng kanilang trabaho.
Hindi ganito sa lahat ng duktor. Marami sa kanila ang may clinic o duty sa dalawa o higit pang pagamutan.
May mga pagkakataon ding nakararanas ng kakulangan sa nurse ang mga ospital dahil marami sa kanila ang nangingibang-bansa. Gayunman, hindi nito binabago ang katotohanang mas marami ang mga nurse kaysa duktor.
Marami namang ospital at may itinatayo pang mga bago, pero sapat ba ang bilang ng ating mga nurse at duktor para sa pangangailangan ng mga Pilipino?
•••••
Emil -[email protected]
- Latest




















