Pangulong Marcos hindi magbibitiw - Palasyo

MANILA, Philippines — Walang plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbitiw sa puwesto, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.
Ito ang tugon ng Palasyo matapos ang pahayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na handa umano itong mag-take over sakaling magbitiw ang Pangulo.
“Unang-una, walang magre-resign,” giit ni Castro.
Dagdag pa niya, “wish” lamang ng kampo ni Duterte ang pagbibitiw dahil patuloy na tumutupad ang Pangulo sa kanyang tungkulin at nagsisilbi para sa bayan.
“So kung wish nila na magre-resign ang Pangulo, I’m sorry,” ani Castro.
Sinagot din ni Castro ang akusasyon ng kampo ni Duterte na kontrolado ng Malakanyang ang mga senador, police officials, at iba pang opisyal kaugnay ng impeachment case ng Bise Presidente.
Giit niya, tumutupad lamang ang mga ahensiya ng gobyerno sa kanilang mandato. Dapat aniya ay harapin ni Duterte ang mga isyu at reklamong ibinabato sa kanya, sa halip na akusahan ang gobyerno ng persecution.
Binuweltahan pa ni Castro ang kampo ni Duterte dahil sa patuloy na pagkwestyon sa administrasyon, habang nabigo umano ang Bise Presidente na ipaliwanag ang mga isyu sa kanyang impeachment case.
Kabilang dito ang paggamit ng confidential funds, ang kasong grave threat, at umano’y planong pagpatay kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
- Latest



















