Pinoy, nawawala sa Nepal flash flood
MANILA, Philippines — Isang Pinoy ang iniulat na nawawala matapos ang naganap na flash flood sa Nepal.
Batay sa Situation Update 3 ng Nepal Tourism Board-Trade kahapon, nabatid na ang naturang missing Pinoy ay kabilang sa 644 indibidwal na iniulat na nawawala matapos ang flash flood.
Hindi pa naman agad natukoy ang pagkakakilanlan ng naturang Pinoy.
Matatandaang naminsala ang isang malawakang flash flood sa border ng Nepal at Tibet noong Agosto 26, na ikinasawi ng halos 100 indibidwal.
Batay sa datos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA), mayroong 18 overseas Filipino workers (OFWs) sa Nepal.
Ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), may naitala silang 128 Pinoy sa naturang bansa.
Karamihan umano sa kanila ay mga Pinay na nakapag-asawa ng Nepalese.
Sinabi naman ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na nakikipag-ugnayan ang pamahalaang Pilipinas sa mga awtoridad ng Nepal at sa Filipino community doon.
Sinabi rin ni Castro na patuloy na susubaybayan ng mga awtoridad ang sitwasyon at makikipag-ugnayan sa Filipino community sa Nepal.
Ipinahayag din ng opisyal ng Palasyo ang pakikiramay ng administrasyong Marcos sa mga naapektuhan ng sakuna at umaasa ang pamahalaan sa kaligtasan at agarang pagbangon ng mga biktima.
Ayon sa mga awtoridad ng Nepal, umabot na sa 162 ang bilang ng mga nasawi, habang tatlo pang pagkamatay ang naitala sa Tibet. Tinatayang 165 na ang kabuuang bilang ng mga nasawi.
- Latest















