Bagyong Pilantok pumasok na sa PAR
MANILA, Philippines — Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang isang low pressure area (LPA) na inaasahang magiging bagyo sa loob ng 48 oras at tatawaging Bagyong Pilantok, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Ang naturang LPA ay pumasok sa PAR alas-2 ng madaling araw kahapon at huling namataan sa layong 1,030 kilometro silangan ng Northern Luzon. Mababa ang posibilidad na mag-landfall ito sa bansa, ngunit palalakasin nito ang Habagat mula Agosto 28, Biyernes, hanggang Setyembre 1, Martes.
Dahil dito, inaasahan ang malalakas na pag-ulan sa Luzon at sa kanlurang bahagi ng Visayas sa susunod na apat hanggang limang araw. Apektado rin ang mga rehiyon ng Batanes, Ilocos, Cordillera, Central Luzon, Metro Manila, Cavite, Rizal, Batangas at Mindoro.
Dagdag ng Pagasa, patuloy na nakakaapekto sa Habagat ang dating Bagyong Obet habang patungo ito sa direksyon ng mainland China.
Samantala, mainit ang panahon sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa pagtaas ng temperatura.
- Latest





















