Obiena pang-pito sa Silesia leg
MANILA, Philippines — Muling nabigo si Pinoy pole vaulter EJ Obiena na makakuha ng medalya nang tumapos sa pang-pitong puwesto sa Silesia leg ng 2026 Wanda Diamond League sa Poland.
Lumundag si Obiena ng 5.80 meters sa torneong pinagharian ni World No. 1 at Olympic champion Armand Duplantis ng Sweden sa itinalang 6.20m para sa gold medal.
Si Sondre Guttormsen ng Norway ang humablot sa silver sa kanyang 6.00m via countback laban kay Paris Olympics bronze medalist Emmanouil Karalis ng Greece na naglista rin ng 6.00m.
“A lil 5.80m here in Poland. Para sa bayan,” sabi ng two-time Olympian sa kanyang social media post matapos ang laban.
Nakuha ng 30-anyos na tubong Tondo ang 5.65m at 5.80m, ngunit dalawang beses nabigong matalon ang 5.90m at sa kanyang final attempt sa 6.00m.
Nagmula si Obiena sa sixth-place finish sa Athletissima Lausanne sa Switzerland kung saan siya nagposte ng 5.81m.
Nauna nang nanalo si Obiena ng tatlong sunod na gold medals, tampok dito ang season-best 5.91m sa Golden Sand sa Poland.
Nakatakdang idepensa ni Obiena ang kanyang korona sa darating na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa susunod na buwan.
- Latest
















