Lady rider tepok sa salpok ng jeep
MANILA, Philippines — Idineklarang dead-on-arrival ang isang lady rider nang salpukin ng isang passenger jeepney na nag-counterflow matapos umanong tangkaing mag-overtake sa mga nauunang jeep sa San Mateo, Rizal nitong Huwebes ng gabi, Agosto 20.
Naisugod pa sa pagamutan ang 43-anyos na biktima ngunit hindi na umabot nang buhay matapos na maputulan ng kaliwang braso at magtamo nang matinding pinsala sa ulo at katawan.
Arestado at mahaharap naman sa kaukulang kaso ang 20-anyos na driver ng pampasaherong jeepney.
Batay sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station, pasado alas-6:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa General Luna Avenue, sa San Mateo.
Pauwi na noon ng bahay ang biktima lulan ng kanyang motorsiklo nang bigla na lang itong salpukin ng pampasaherong jeep na nag-counterflow.
Sa tindi ng impact nang pagkakabangga, naputulan ng kaliwang braso ang biktima at nagtamo nang matinding pinsala sa ulo at katawan.
Nayupi rin ang gate ng San Mateo Roman Catholic Cemetery kung saan tumama ang pampasaherong jeep.
Ayon sa mga awtoridad, hindi naman nasugatan sa insidente ang driver ng jeep, na wala pa ring halos sakay na pasahero noong mga oras na maganap ang insidente.
Nakatakdang sampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang suspek.
- Latest





















