P7.2-T 2027 budget, walang lusot ang insertions!
Budget season na naman, pero ngayong 2027 deliberations, may mahalagang pagbabagong dapat kilalanin: mas transparent, mas participatory at mas madaling masubaybayan ang proseso. Sa P7.2-trillion proposed national budget, mas maraming mekanismo ngayon para makita ng publiko kung paano sinusuri at binabago ang bawat malaking pondo.
Sa pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, malinaw ang direksiyon ng House: bawat piso ay dapat masusing suriin at magkaroon ng konkretong pakinabang sa mamamayan. Ang transparency at accountability ay hindi dapat slogan lamang—dapat makita mismo sa budget process.
Malaking hakbang ang LegisHear, ang nationwide public consultation program ng House. Dito maaaring marinig ang priorities at concerns ng communities bago tuluyang ma-finalize ang appropriations. Hindi na lang mga numero sa spreadsheet ang budget; mas naiuugnay ito sa aktuwal na pangangailangan ng mga tao.
May access din ang civil society organizations sa budget hearings at documents, habang mas madaling masubaybayan ang deliberations sa livestreaming at digital platforms. Sa Senate, mayroon ding Budget Transparency Portal. Ibig sabihin, mas maraming mata ang nakatutok sa galaw ng pambansang pondo.
Mahalagang linawin: hindi lahat ng amendment ay masamang insertion. May kapangyarihan ang Kongreso na baguhin, dagdagan o bawasan ang proposed budget kapag may malinaw na pangangailangan. Ang hindi dapat makalusot ay pondong walang malinaw na sponsor, purpose, location, implementing agency at public justification.
Dito ako kumpiyansa: sa pamumuno ni Speaker Bojie Dy, mas mahirap nang makalusot ang kuwestiyonableng insertions. Kapag mas bukas ang deliberation, mas maraming dokumento ang available at mas maraming sektor ang nakamasid, mas mahirap itago ang pondong walang malinaw na paliwanag.
Dapat tuluy-tuloy ito hanggang House version, Senate version, bicameral conference at final General Appropriations Act. Ang bawat malaking pagbabago ay dapat traceable—saan nagmula, sino ang nagpanukala, magkano at bakit kinakailangan.
Ito ang klase ng budget process na dapat palakasin. P7.2 trillion ang pera ng bayan—walang puwang sa palusot. Bawat piso dapat nakikita, naipapaliwanag at napapanagutan. Sa 2027 budget, transparency ang pinakamabisang bantay laban sa kuwestiyonableng insertions.
- Latest



















