DPWH bigo sa de-kalidad na infrastracture – Ombudsman

MANILA, Philippines — Sinang-ayunan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na bigo ang ahensiya sa pagbibigay ng de-kalidad na imprastraktura, dahilan upang mas paboran ang Public-Private Partnerships (PPP) para sa mga pangunahing proyekto ng pamahalaan.
Ang PPP ay pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa pribadong sektor na nagbibigay ng kapital at nagsasagawa ng proyekto, kapalit ng pagbawi ng investment sa pamamagitan ng public funds, tolls, fees, at iba pang charges.
Ayon kay Remulla, malinaw ang kakulangan ng DPWH sa kalidad ng mga proyekto gaya ng P9 bilyong UP-PGH Cancer Center, bagong Bureau of Immigration (BI) building, at National Bureau of Investigation (NBI) headquarters.
Sa pahayag ni Dizon nitong Linggo, iginiit niyang sang-ayon siya kay Remulla at itinuro ang internal systems ng DPWH bilang ugat ng problema.
Dagdag pa niya, matagal na siyang tagapagtulak ng PPPs dahil nakatitiyak ito ng timeliness, high quality, at cost efficiency na nararapat sa publiko.
Binatikos ni Dizon ang bagong BI building na aniya’y “poorly executed” at hindi kayang akomodahin ang normal-sized vehicles sa driveway. Tinawag niya itong “unacceptable” at patunay ng structural problems sa DPWH.
Samantala, handa naman siyang itigil ang proyekto ng NBI headquarters at makipag-ugnayan kay NBI Director Melvin Matibag upang maghanap ng mas praktikal na opsiyon.
Tiniyak ni Dizon na susuportahan niya ang mga mungkahi ni Remulla at makikipagtulungan sa Ombudsman upang agresibong isulong ang reporma sa DPWH.
- Latest



















