Metro Manila nabalot ng haze mula Indonesia

DOH: Publiko mag-face mask
MANILA, Philippines — Umabot sa “very unhealthy” ang kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng Metro Manila nitong Lunes ng gabi, matapos bumagsak ang haze mula sa mga forest fire sa Kalimantan, Indonesia.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator Asst. Sec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV, nakakaapekto rin ang haze sa CALABARZON at MIMAROPA, na kapansin-pansin simula pa noong Lunes sa madilim na kapaligiran at sa ‘very unhealthy’ air quality.
“As observed, the haze is probably associated with smoke and transboundary haze from the ongoing fire in Kalimantan, Indonesia,” ani Alejandro, na nagsabing tinangay ito nang malakas na hangin patungo sa Pilipinas.
Dahil dito, hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko lalo na ang mga bata, matatanda, buntis, at may comorbidities na magsuot ng N95 face masks at limitahan muna ang kanilang aktibidad sa labas ng bahay.
Maaaring magdulot ang haze ng hirap sa paghinga, ubo, pananakit ng dibdib, iritasyon sa mata at ilong, at paglala ng sakit gaya ng asthma.
Umaabot sa ‘acutely unhealthy’ hanggang ‘very unhealthy’ ang kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng Metro Manila noong Setyembre 1. Mataas ang konsentrasyon ng PM2.5 (fine particulate matter) na delikado sa kalusugan.
Naitala ang mataas na antas sa Las Piñas, Malabon, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Parañaque, Quezon City, San Juan, Taguig, at Valenzuela. ‘Very unhealthy’ air quality naman ang nairekord sa Makati, Navotas, Pateros, at SMPH Commonwealth sa QC.
Ang PM2.5 ay maliliit na particle na may diametrong 2.5 micrometers o mas maliit pa. Kapag nalanghap nang malalim, pumapasok ito sa baga at nagdudulot ng panganib sa kalusugan.
- Latest
























