7 taon pa bago maabot ideal ratio ng doktor, nurse - DOH

MANILA, Philippines — Inamin ni Health Secretary Edwin Mercado na aabutin pa ng pitong taon bago maabot ng bansa ang “ideal” na bilang ng mga healthcare professionals.
Sa Senate budget hearing nitong Biyernes, Setyembre 4, inilatag ni Mercado ang target na ratio ay 14.3 physicians, 27.4 nurses, at 2.5 midwives kada 10,000 populasyon.
Bilang panandaliang tugon, iminungkahi niya ang task shifting, habang pangmatagalang solusyon naman ang pagbawas sa attrition at pagbibigay ng malinaw na career track para sa mga health worker.
Tiniyak ng kalihim na may doktor na sa lahat ng bayan, kabilang ang mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) areas. Sa 2027 budget, nakapaloob ang deployment ng 24,381 health professionals gaya ng nurses at medical technologists.
Nang igiit ni Senador Joel Villanueva ang 9,069 bakanteng posisyon (9.1% ng kabuuang authorized positions), inamin ni Mercado na nasa 92% lamang ang fill-up rate dahil kulang ang aplikante para sa specialized posts gaya ng speech therapists at development specialists.
Ayon sa DOH, tinutulungan nila ang mga ospital sa pamamagitan ng pagbuo ng selection at promotion boards upang mapunan ang mga bakante.
- Latest


















