Casino supervisor timbog sa pagmaniobra ng credit points

MANILA, Philippines — Arestado ang isang 33-anyos na casino pit supervisor matapos umanong ilegal na maglipat ng 9,900 credit points sa accounts ng mga casino player na nagdulot ng pagkalugi sa isang casino resort sa Quezon City nitong Lunes.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa kasong qualified theft sa ilalim ng Article 310 ng Revised Penal Code.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-2:15 ng madaling araw ng Hulyo 13 nang arestuhin ang suspek sa loob ng gaming floor ng isang premier casino resort sa Brgy. Bagong Pag-asa. Sa CCTV footage, nakita umano siyang nag-e-encode ng account numbers ng dalawang Diamond-tier na parokyano at naglalagay ng credit points kahit sarado na ang mga mesa sa kanyang hurisdiksyon. Umabot umano sa 9,900 fraudulent gaming points ang nailipat sa loob lamang ng dalawang oras.
Nang komprontahin ng security personnel, inamin umano ng suspek ang ginawa nang walang pahintulot ng kanyang employer. Hinimok naman ni Quezon City Police District Director PBGen. Randy Glenn Silvio ang mga negosyo at institusyon na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang agad na maaksyunan.
Binigyang-diin naman ni National Capital Region Police Office chief PMGen. Anthony Aberin na hindi dapat inaabuso ng mga empleyado ang tiwalang ipinagkakaloob sa kanila para sa pansariling pakinabang. Aniya, patuloy na nakasuporta ang NCRPO sa mga establisyemento sa pagtataguyod ng integridad at pagpapalakas ng turismo.
- Latest























