P2 taas-pasahe sa jeep hinirit

MANILA, Philippines — Humihiling ang ilang transport groups sa bansa ng hanggang P2 dagdag-pasahe at nagbabala na magdaraos ng panibagong nationwide transport strike kung hindi mapagbibigyan ang kanilang kahilingan.
Ayon kay Manibela chairperson Mar Valbuena, hindi sapat ang P1 fare increase lamang dahil hindi pa aniya nila nababawi ang kanilang mga lugi simula noong Marso.
Ganito rin naman ang hiling ni ACTO president Libay de Luna nang magpaunlak ng panayam sa radyo at sinabing kahit P1 o P2 taas-pasahe ay malaking tulong na sa kanila.
Kapwa rin sila nagbabala na magdaraos ng panibagong transport strike kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Valbuena, pinag-iisipan na nila kung anong araw isasagawa ang tigil-pasada.
Aniya, nasa 100,000 drivers at operators nationwide ang inaasahan nilang dadalo sa transport strike.
Dagdag pa niya, nakatakda silang makipagpulong ngayong Martes, Hulyo 21, sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang talakayin ang hiling nilang taas-pasahe.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni De Luna na mino-monitor pa nila ang sitwasyon at kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis ay mapipilitan silang magdaos ng transport strike.
- Latest



















