Senado naging ‘arena’ ng bangayan
Nagkapisikalan kahapon sina Sen. Robin Padilla at DILG Sec. Jonvic Remulla habang pinipilit ipasok ang mga dating Marines sa Blue Ribbon hearing. Nagpang-abot ang dalawa sa lobby ng Senado. Samantala, kahit nag-anunsiyo si Sen. Erwin Tulfo, bagong chair ng Blue Ribbon Committee, ng suspensyon ng flood control probe, itinuloy pa rin ng kampo ni Sen. Alan Peter Cayetano ang pagdinig na lalong nagpalala ng kaguluhan. Ang mga eksenang ito ay larawan ng lalim ng banggaan sa institusyon.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay napilitang manawagan na “magbalik-trabaho na ang Senado.” Kung ang pinakamataas na lider ng bansa ay kailangang magpaalala sa mga mambabatas na gampanan ang kanilang tungkulin, malinaw na may malalim na krisis sa pamumuno at direksyon ng institusyon. Ngunit higit pa rito, ayon sa Palasyo, ang ingay ng pulitika at kaguluhan sa Senado ay nakadagdag sa pagkabigo ng Pilipinas na makakuha ng puwesto sa United Nations Security Council. Habang ang ibang bansa ay nagpakita ng pagkakaisa at malinaw na direksyon, ang Pilipinas ay nabalot ng imahe ng kaguluhan at pamumulitika.
Ang Senado na dapat maging simbolo ng talino, debate at malasakit sa bayan, ay nagiging simbolo na ngayon ng kaguluhan, personal na ambisyon at hindi ng pambansang interes. Habang nagbabangayan ang mga senador, nakabinbin ang mahahalagang batas at imbestigasyon.
Kung magpapatuloy ang ganitong eksena sa Senado, baka tuluyan nang mawala ang tiwala ng publiko sa institusyong dapat ay haligi ng demokrasya. Kung hindi agad maaayos ang gulo, baka tuluyan nang mawalan ng saysay ang kanilang mandato.
- Latest















