Tila walang saysay na ika-128 kaarawan
Kapag nakikita mong ginagantimpalaan ang katiwalian at nagiging sakripisyo maging matuwid, wasak na ang lipunan mo. Pangaral ‘yan ni pilosopo Ayn Rand. At akma ngayong ika-128 kaarawan ng Pilipinas.
Tumanda nang paurong ang ating bansa. Oo, makikitang may mga modernong infrastructures: matataas na gusali, malalawak na pabrika, magagarbong subdivisions, eroplano, barko, tren, at magagarang kotse. Pero tila palamuti lang lahat ng inaanay na sistema.
Dumanas ang Pilipinas ng diktadurya at pandarambong, 1972-1986. Pinabagsak ito ng mapayapang rebelyon na itinanghal ng mundo. Pero pagkatapos nu’n humalal tayo ng apat na tiwaling Pangulo.
Pinarami natin ang political dynasties sa lahat ng probinsiya, lungsod, at distrito. Dinambong nila ang ating mga buwis. Imbes na magalit, tumahimik tayo at umasang maambunan ng konting ayuda.
Niluklok ng mayorya sa atin ang anak ng diktador at mandarambong. Katuwang niya ang anak ng mamamatay-tao at maka-China. Sa ilalim ng dalawang admin--Duterte at Marcos Jr.–naganap ang P1.7-trilyong flood works scam.
Nahati ang Uni-Thieves. Nag-aaway ang mga alipores nila. At may gana pa silang kulayan ng kesyo pula, dilaw, at pink ang mga nagsisikap linisin ang dumi na ikinalat nila.
Lumalala ang karalitaan at pang-aabuso. Imbes na magkaisa, lalong nagwatak-watak ang mamamayan. Kanya-kanyang raket, kanya-kanyang sipsip, kanya-kanyang panlalamang.
Sinasabing walang konsensya ang AI o artificial intelligence. Tila mayorya sa atin ay AI rin. Walang malay. Walang pakialam. Walang pakiramdam.
May ipagdiriwang ba ngayong Araw ng Kasarinlan?
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest





















