Tamaraws sinuwag unang panalo

MANILA, Philippines — Nirehistro ng Far Eastern University ang unang panalo matapos suwagin ang University of the East, 93-70 sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Sinalto ng Tamaraws ang pagpasok ni Paulo Hubalde bilang bagong head coach ng Red Warriors.
Matapos ang pag-alis ng kanilang mentor na si Chris Gavina, umasa ang Red Warriors na mababago ang takbo ng kanilang koponan sa pamumuno ni Hubalde.
Gayunpaman, walang nagawa ang kanyang pagdating dahil tinambakan sila ng Tamaraws, na umabot pa sa 29 puntos ang kalamangan, 88-59, sa huling yugto ng laro.
Nilista ng FEU ang 1-1, habang wala pang panalo ang UE sa tatlong laro, humaba ang kanilang losing streak sa 23 na nagsimula pa sa second round ng Season 87.
Kusang bumaba si Gavina sa pagka-coach ng UE, tinanggap niya ang trabaho noong Season 88 kung saan ay tumapos ang koponan sa 0-14.
“Clearly it’s been a long two weeks, very difficult two weeks for us,” sabi ni head coach Sean Chambers. “Sitting out for two weeks is pretty hard for us, and not to get another game for a while, but there were some tough conversation with players and staff on what we want for ourselves.”
Samantala, balik sa porma ang Ateneo de Manila University matapos nilang dagitin ang 73-68 panalo kontra Adamson University sa unang laro.
Napigilan ng Blue Eagles ang bawat subok ng Soaring Falcons na humabol at magtuluy-tuloy ng ratsada sa huling quarter, upang makuha ang panalo at iakyat ang kanilang kartada sa 2-1 para sa solo ikalawang puwesto sa team standings.
Pinuri naman ni Ateneo interim coach Louie Alas ang kanyang mga bataan dahil sa ipinakita nilang tikas sa oras na naghahabol sila nang malamangan ang mga ito ng Adamson.
Sa natitirang 4:16 sa laro at habang naiiwan sa iskor na 52-65, nagpakawala ang Adamson ng 9-2 run sa pamumuno nina Mat Edding, Precious Jonah, at Ray Allen Torres upang maibaba sa anim na puntos ang hinahabol, 61-67, may 1:40 na lang ang natitira sa oras.
Nanatiling naka-pokus ang Blue Eagles, ilang beses nagbalak dumikit ang Falcons subalit kalmado sa free throw line si team captain Jared Bahay kaya naitakas ang importanteng panalo.
- Latest


















