Gilas Women nadiskaril sa Japan

MANILA, Philippines — Nadiskaril ang hangad na pagwalis ng Gilas Pilipinas Women sa group stage ng women’s 5-on-5 basketball competition matapos ang 67-89 pagyukod sa Japan sa 20th Asian Games kahapon sa Aichi International Arena sa Japan.
Binanderahan ni naturalized player Elizabeth Means ang mga Pinay cagers sa kanyang 16 points, siyam na rebounds at dalawang assists, habang may 13 at 11 markers sina veterans Afril Bernardino at Janine Pontejos, ayon sa pagkakasunod.
“It’s nice to go against a tough team that plays aggressive defense. More than that, I think it prepares us well for whoever we face in the quarterfinals,” sabi ng 6-foot-1 na si Means.
Isinara ng World No. 30 Gilas Women ang kampanya sa Group G bitbit ang 2-1 record kasama ang mga naunang 86-59 pagbugbog sa No. 69 Kazakhstan at 90-73 pagrapido sa No. 105 Hong Kong.
Winalis ng No. 10 Japan, ang Asiad reigning silver medalist, ang grupo tangan ang 3-0 baraha at tatayong top seed sa Group B sa quarterfinals kasunod ang Gilas Women.
Ang top two teams sa bawat grupo ang papasok sa knockout quarterfinals na nakatakda bukas.
Hihintayin ng Nationals ang resulta ng iba pang laro sa group stage para madetermina ang lalabanan nila sa quarterfinals.
Nagdomina ang mga Japanese sa rebounding department, 42-30, tampok ang 24 offensive boards kumpara sa 12 ng mga Pinay dribblers.
Samantala, dalawang sunod na panalo ang ipinoste ng Gilas Pilipinas Women 3x3 team sa pagsisimula ng kanilang kampanya.
Pinadapa ng mga Pinay 3x3 players ang Mongolia at Macau para palakasin ang tsansa sa quarterfinals berth.
- Latest























