Gilas tumukod sa Bahrain

MANILA, Philippines — Mag-isang binuhat ni Calvin Oftana ang Gilas Pilipinas sa buong laro, ngunit hindi pa rin sapat ang pinasabog niyang team-high 31 points.
Bigo ang Gilas Pilipinas sa Bahrain, 85-89, sa Group C sa pagsisimula ng kanilang pagdedepensa sa korona sa 20th Asian Games kahapon sa Aichi International Arena sa Nagoya, Japan.
Nagdagdag si Adrian Nocum ng 14 points, pitong rebounds at limang assists bago nagkaroon ng right ankle injury matapos kumonekta ng layup sa huling 1:51 minuto ng fourth period.
“We’re very disappointed with the way we played. We expect a lot more out of ourselves,” ani coach Tim Cone. “At some point you can be disappointed only long enough then you’ve gotta move on.”
Nag-ambag si center Justine Baltazar ng 10 points at may siyam at walong marka sina Don Trollano at Justin Arana, ayon sa pagkakasunod.
Inalat naman si scoring machine Robert Bolick na nagtala ng 0-of-5 field goal shooting.
Bukod sa hindi paglalaro ni injured naturalized Filipino Justin Brownlee ay nahirapan din ang Nationals na limitahan ang mga naturalized players ng Bahrain na sina JaKarr Sampson at Elijah Thomas.
Humakot si Sampson ng 24 points at 13 rebounds, habang may 20 markers si Thomas at nagsalpak si guard Mustafa Rashed ng apat na three-point shots para tumapos na may 20 points.
Ang basket ni Baltazar ang naglagay sa Gilas Pilipinas sa 43-41 abante sa dulo ng second period matapos ang 0-8 panimula.
Ang magkasunod na triples nina Uros Ilic at Sampson ang nagbigay sa Bahrain ng 49-43 halftime lead bago ito muling palobohin sa pagtatapos ng third quarter, 76-61.
Sunod na lalabanan ng Gilas Pilipinas ang Kazakhstan ngayong alas-6 ng gabi.
Nirapido ng China ang Kazakhstan, 99-61, sa isa pang laro.
Haharapin ng mga Chinese ang mga Bahrainis.
Ang top two teams sa bawat group at ang dalawang best third-placed teams ang papasok sa quarterfinals.
- Latest






















