SMB, Phoenix magsasagupa sa Ilagan City

MANILA, Philippines — Hindi paaawat ang PBA on Tour sa pagbisita naman nito ngayon sa Capital Arena sa Ilagan City, Isabela para sa bigating sagupaan ng San Miguel at Phoenix.
Pakundisyon ito ng Beermen at Fuel Masters para hindi makalawang kapag nagbalik-aksyon na ang PBA sa Oktubre kung kailan susubok sila na makaangat sa No. 1 ng kanilang mga grupo.
Nauna nang bumisita ang PBA kamakalawa sa San Jose Del Monte, Bulacan kung saan naitakas ng Blackwater ang 109-107 panalo kontra sa lider na NLEX.
Hindi nakasama ng Blackwater si Sedrick Barefield habang wala rin sa NLEX si Bolick dahil sa kampanya ng Gilas sa mando ni head coach Tim Cone sa kalagitnaan ng lagpas dalawang buwang hihinto ang PBA upang magbigay-daan sa pagdepensa ng Gilas sa trono nito sa Asiad kontra sa Bahrain, Kazakhstan at China sa Group C.
Sa Oktubre 7 pa ang balik ng PBA pagkatapos ng Asiad tampok ang iba pang PBA on Tour stops sa pagitan ng Meralco at Converge sa Santiago City Sports Arena sa Isabela rin bukas bago dayuhin ng Magnolia at NLEX uli ang Batangas City Coliseum sa susunod na Linggo.
Nasa segunda puwesto ang SMB at Phoenix sa Group A at B ng nakatenggang PBA Season 50 Governors’ Cup hawak ang 7-2 at 4-3 kartada, ayon sa pagkakasunod.
Hindi makakasama ng Beermen ang 2 pambato na sina Don Trollano at Jerrick Ahanmisi na parehong miyembro ng Gilas team na lumalaban ngayon sa 2026 Achi-Nagoya Asian Games.
Kumpleto naman ang Phoenix matapos hindi makasali sa Final 12 ang beteranong big man na si Jason Perkins/
- Latest


















