Pati California, Ireland palpak sa Math, Reading

Isang dosenang taon nang kulelat sa international tests ang mga Pilipinong grade V students. Pinaka-mababa sila sa 78 bansa sa Math, Science, at Reading Comprehension. Ang kaalaman nila sa Math at Science ay pang-grade III lang. Sa Reading Comprehension, hindi sila makasulat ng isang pangungusap mula sa binasang talata.
Naka-graduate na ng grade XII ang mga nag-grade V nu’ng 2013-2019. Kung kabilang sila sa mga bagsak sa Math, Science, at Reading Comprehension, hindi sila makakatapos ng kolehiyo o makakahanap ng matinong trabaho.
Lumala rin ang malnutrisyon. Mas dumami nitong nakaraang dekada ang bansot, payatot, at putot. Hindi sila nabigyan ng sapat na protein at iodine mula pagkabuntis hanggang edad-2. Habambuhay nang pulpol ang utak nila.
Hindi lang sa Pilipinas ang problemang ito. Natuklasan kamakailan ng University of California system na hindi handa ang college freshmen at sophomores sa basic Math at Science. Nangangamote sila sa Calculus at Physics.
Pinakamatatalino sa Math at Philosophy ang mga nasa UC-Berkeley at UC-Los Angeles. Karamihan ng nasa UC-San Diego at UC-Davis ay Science scholars. Pero maraming napapasingit na pulpol. Umaangal ang mga propesor.
Nangunguna ang Ireland sa maraming bansa sa Europe sa larangan ng teknolohiya at panitikan. Pero umangal kamakailan si Prof. Sarah Moss ng University College Dublin’s School of English, Drama, and Film. Meron kasi siyang mga estudyante na nais sumikat sa pagsusulat ng nobela at pelikula. Pero ayaw nilang magbasa ng libro. Kesyo raw hindi ito mahalaga, kesyo raw hindi kailangan matutunan ang mahusay na pagsusulat sa mga mahuhusay na akda, at kesyo raw nakakasira ng inspirasyon ang pagbabasa.
- Latest



















