Grades ba talaga ang sukatan ng tagumpay?
Sa panahon ngayon, tila naging sukatan na ng talino at tagumpay ng isang estudyante ang taas ng kaniyang grado. Kapag mataas ang marka, agad itong tinatawag na matalino. Kapag mababa naman, parang may maling ginawa o kulang sa pagsisikap. Pero sapat nga ba ang grades para masukat ang tunay na kakayahan ng isang tao?
Walang masama sa pagsisikap na makakuha ng mataas na marka. Mahalaga ang edukasyon, at ang magandang grado ay bunga ng tiyaga, disiplina, at pagsisikap. Ngunit hindi dapat doon nagtatapos ang pagkilala sa isang estudyante.
May mga estudyanteng mataas ang marka ngunit nahihirapang magsalita sa harap ng maraming tao. Mayroon namang hindi palaging nangunguna sa klase ngunit mahusay sa sining, sports, pamumuno, pakikipagkapwa, o paglutas ng mga problema. Ipinapakita lamang nito na magkakaiba ang kakayahan ng bawat tao.
Hindi rin dapat ikumpara ang sariling marka sa marka ng iba. Ang mahalaga ay patuloy tayong natututo at nagsisikap na maging mas mahusay kaysa sa dati.
Ang grado ay maaaring magsabi kung paano tayo nagperform sa isang pagsusulit o gawain, ngunit hindi nito kayang sabihin ang buong halaga at kakayahan ng isang tao.
Kaya sa susunod na makatanggap ng report card, huwag lang tumingin sa numero. Tingnan din ang mga bagay na natutuhan, mga pagkakamaling nalampasan, at ang mga pagbabagong nagawa.
Dahil ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa taas ng grado, kundi sa kung paano natin ginagamit ang ating natutuhan upang maging mas mabuting tao.
- Latest















