Red Lions nakaiwas sa Generals
MANILA, Philippines — Naitakas ng defending champion San Beda University ang mahirap na 89-86 panalo kontra Emilio Aguinaldo College sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Playtime FilOil sa San Juan kahapon.
Binigo ng Red Lions ang pagtatangka ng Generals na makasilat upang makuha ang importanteng panalo at ilista ang 6-3 record sa Group A.
“Sabi ni coach Yuri (Escueta), we were too soft. Kailangan namin ng konting tapang at konting diin pa sa second half,” paliwanag ni Aldous Torculas na tumikada ng 19 points, seven rebounds, four assists at two steals.
Mahigpit ang naging labanan ng Red Lions at Generals sa unang dalawang periods, nagtabla ang iskor sa 26-all sa first at pantay pa rin ang dalawa sa halftime break, 44-44.
Bumangis bigla ang San Beda sa kaagahan ng third quarter, nagtala sila ng 8-0 run upang hawakan ang eight-point lead, 52-44, may 7:20 minuto pa sa orasan.
Nagpatuloy ang pagiging mabalasik ng Red Lions kaya naman nanatili sa kanila ang bentahe, 73-67 papasok ng final canto.
Sa huling laro, ayaw paawat ng Mapua University sa panggagarote matapos nilang tambakan ang San Sebastian College-Recoletos, 71-43.
Kinapitan ng Cardinals sa opensa sina Marc Cuenco at Yam Concepcion upang tulungan ang koponan na sikwatin ang six-game winning streak at ilista ang 6-3 karta.
- Latest



















