Myanmar ginimbal ng magnitude 7.7 lindol!

MANILA, Philippines — Niyanig ng lindol na may lakas na 7.7 magnitude ang Myanmar, na naramdaman hanggang sa Thailand nitong Biyernes.
Naganap ang malakas na pagyanig alas-12:50 ng hapon na tumama ang sentro, 16 kilometro sa hilagang-kanluran ng lungsod ng Sagaing, ayon sa United States Geological Survey.
Nasundan pa ito ng isang 6.4-magnitude aftershock makalipas ang ilang minuto.
Naiulat ng CNN na ang lindol ay naramdaman sa Bangkok, kabisera ng Thailand, kung saan may mga video footage ng pagguho ng isang under construction na 30-palapag na gusali ng Skyscraper, sa Bangkok, kung saan 43 manggagawa ang na-trap.
Isang pangunahing ospital sa Naypyidaw, Myanmar ang naging “mass casualty area”.
Ang mga lindol ay nagdulot ng malawakang pinsala, lalo na sa Myanmar, kung saan ang mga gusali ay nagbagsakan sa gilid, bumuka ang mga kalsada, ang kilalang tulay ng Ava ay gumuho malapit sa epicenter ng lindol.
Sa labas na ng ospital ginagamot ang mga sugatan sa inilatag na 1,000-bed facility, kung saan may mga ginagamot sa labas, may mga nakakabit pa ang dextrose, mga namimilipit sa sakit.
Halos ‘di na madaanan ng ambulansiya ang papasok sa pagamutan dahil sa dami ng nakabalandrang sasakyan.
Nagbagsakan umano ang mga piraso ng kisame ng National Museum kaya’t nagtakbuhan palabas ang mga unipormadong kawani.
Hindi pa tiyak ang dami ng nasugatan at nasawi.
Sa Thailand, nagdeklara naman si Thai Prime Minister Paetongtarn Shinawatra ng state of emergency sa Bangkok, kung saan nasuspinde na ang light rail services at matinding trapik.
Gayunman, normal pa rin ang operasyon ng mga paliparan.
Naramdaman din ang pagyanig sa mga rehiyon sa China, Cambodia, Bangladesh at India.
- Latest