5 katao patay sa sunog sa palengke!

Magkakasamang natagpuan sa CR
MANILA, Philippines — Lima katao ang nasawi matapos masunog ang malaking bahagi ng Sorsogon City Public Market sa laalwigan ng Sorsogon kamakalawa ng gabi.
Nagmistulang mga uling ang lima katao nang ma-trap sa pagsiklab ng malaking sunog sa public market ng Sorsogon City, Sorsogon nitong Sabado ng gabi.
Patuloy na kinikilala ng mga awtoridad ang mga pangalan ng limang nasawi.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Sorsogon City nangyari ang sunog bandang alas-10:40 ng gabi nitong Sabado at naapula dakong ala-2:25 ng madaling araw kinabukasan.
Ang bangkay ng mga biktima na hindi na makilala dahil sa pagkakatusta sa sunog ay narekober ng BFP personnel bandang alas-6 ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga biktima ay nakitang sunug na sunog at magkakasama sa loob ng comfort room o bathroom ng isa sa mga natupok na variety store na pag-aari ng isang Gng. Talong.
Ilang oras bago ang pagkakatagpo sa mga biktima ay iniulat ng isang babae na tinukoy sa pangalang Lor, na nawawala ang kaniyang kapatid na babae, pamangking babae at tatlong lalaking vendor.
Ang bangkay ng mga biktima ay dinala na sa Funeraria Ronela sa Brgy. Timbayong, Casiguran, Sorsogon.
Agad namang nangako si Sorsogon Gov.Edwin “Boboy” Hamor na sasagutin na niya ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing sa mga biktima upang maibsan ang bigat na pasanin ng mga namatayang pamilya.
Nag-utos na ang lokal na pamahalaang panglalawigan sa agarang pagsasaayos ng bakanteng lote sa tabi ng coastal road ng Sorsogon City upang pansamantalang lipatan ng lahat ng naapektuhang vendors at tenants sa sunog.
Patuloy ang imbestigasyon ang BFP upang matukoy ang sanhi ng sunog at ang halaga ng mga pinsala ari-arian at kagamitan.
- Latest





















