Sapat na pondo para sa ARAL Program, patuloy na isusulong
Sa pagtalakay natin ng panukalang pondo ng Department of Education (DepEd) sa susunod na taon, isa sa mga bibigyang prayoridad ng inyong lingkod ang paglalaan ng sapat na pondo para sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Itinatag ang ARAL Program alinsunod sa ARAL Program Act (Republic Act No. 12028) na akda at isinulong ng inyong lingkod. Layunin ng programang itong suportahan ang mga mag-aaral na nahihirapan sa Reading, Math, at Science upang patatagin ang kanilang pundasyon at iangat ang kanilang kaalaman at kakayahan. Sa ilalim ng programa, magsasagawa ng mga tutorial sessions upang suportahan ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong upang hindi sila mapag-iwanan.
Sa isang impact evaluation na isinagawa ng Youth Impact, World Bank, at DepEd, lumabas na nakatulong ang programa upang mabawasan ng 4.5 milyon ang bilang ng mga itinuturing na struggling readers o mga mag-aaral na nahihirapang bumasa para sa School Year 2025-2026. Malinaw sa resultang ito na malaking tulong ang ARAL Program upang iangat ang kakayahan ng mga mag-aaral nating nangangailangan ng tulong.
Inanunsyo naman kamakailan ng Department of Education (DepEd) na palalawakin nito ang ARAL Program upang masaklaw ang mathematics at mapatatag ang pundasyon ng mga mag-aaral pagdating sa numeracy. Kaya naman mahalagang tiyakin nating magpapatuloy ang suporta sa programa, lalo na’t mahalaga ang papel nito sa pagsugpo natin sa krisis sa edukasyon.
Noon namang nagsilbi ang inyong lingkod bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, isinulong ng inyong lingkod ang paglalaan ng P8.9 bilyon para sa pagpapatupad ng ARAL Program. Saklaw ng pondong ito ang pag-hire ng humigit-kumulang 440,000 tutors, at pag-suporta sa tinatayang 6.7 milyong mag-aaral sa reading at 8.08 milyong mag-aaral naman sa math.
Patuloy nating titiyakin na sa ilalim ng 2027 national budget, tuloy ang suporta sa mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong.
- Latest


















