PANOORIN: 39 kaso sa flood control projects, nasa korte na — Ombudsman
MANILA, Philippines — Nasa korte na ang 39 na kasong may kaugnayan sa flood control projects — 35 sa Sandiganbayan at apat sa regional trial courts — ayon kay Ombudsman Boying Remulla sa kanyang unang annual report ngayong Lunes, Oktubre 12.
Ayon kay Remulla, 52 na indibidwal ang nahaharap sa mga naturang kaso. Kabilang sa kanila ang isang nakaupong senador, isang dating senador, apat na kongresista, dating House Speaker, isang dating kalihim, 33 na kawani ng Department of Public Works and Highways, walong kontratista, at iba pang pribadong indibidwal.
Kinumpara ni Remulla ang iskandalo sa flood control projects sa mga naunang kaso ng korapsyon, kabilang ang pork barrel scam at fertilizer fund scam.
"The ghost projects alone are roughly 18 times the pork barrel scam. It's a scandal that must be met with an appropriate response," aniya.
Inilahad din ni Remulla ang proseso ng Office of the Ombudsman sa pagbuo ng mga kaso kaugnay ng flood control projects.
"Tatlong hakbang. Walang shortcut. Walang exemption," ani Remulla.
Kabilang dito ang pagkalap ng mga ebidensya katulad ng mga kontrata at audit report, pagpunta sa mismong lugar para makita kung may aktuwal na proyekto, at pagsunod kung saan napunta ang pera, ayon kay Remulla.
Pagkatapos nito, ipinapakita nila ang ebidensya sa mga inirereklamo at pinakikinggan ang panig ng mga ito.
Kapag matibay ang ebidensya, saka nagsasampa ng kaso sa korte ang tanggapan, ayon kay Remulla.
- Latest

















