Rider nagulungan ng tanker, pisak
CAVITE, Philippines — Halos mapisak ang ulo ng isang 29-anyos na rider matapos magulungan ng water tanker makaraang sumemplang habang bumabagtas sa pakurbadang bahagi ng Marcos Alvarez Avenue, Brgy. San Nicolas 3 Extension Bacoor City, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng Bacoor Police ang nasawing biktima na si alyas “Abaño,” 29-anyos, motorcycle rider at residente ng Las Piñas City.
Arestado at nakakulong na rin ang driver ng water tanker na si alyas “Jimson”, 46-anyos, residente ng Brgy. Molino VI, Bacoor City.
Base sa ulat ng pulisya, alas-4:30 ng madaling-araw nang maganap ang aksidente habang parehong tinatahak ng biktima sakay ng motorsiklo nito at ang water tanker na minamaneho ng suspek ang kalsada na patungo ng Las Piñas area.
Nasa unahang bahagi ang biktima at nang pagsapit nito sa isang pakurbang kalsada, nagtangkang mag-overtake sa pakanang bahagi subalit nawalan ito ng balanse at tuluyang sumemplang. Hindi na niya naiwasan ang kasunod na water tanker ni Jimson at nasagasaan ang ulo ng nakahandusay na biktima.
Agad na rumesponde ang mga pulis at tumawag sa ‘161’ subalit dahil sa matinding pinsala na tinamo ng biktima, siya ay idinekalarang dead-on-the-spot sa insidente.
- Latest






















