Foreign travel request ng mga LGUs pinadali ng DILG

MANILA, Philippines — Mas pinadali na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang proseso ng pag-apruba sa foreign travel ng mga lokal na opisyal at kawani kasunod ng bagong mekanismo na nagde-delegate ng ilang kapangyarihan sa mga regional at provincial director.
Batay sa DILG Circular No. 2026-017, mananatiling nasa DILG Secretary ang pag-apruba sa official at unofficial foreign travel ng mga provincial governor, mayor ng highly urbanized at independent component cities, at mayor ng Pateros. Siya rin ang aapruba sa biyahe ng mga elective local official na lalampas sa tatlong buwan o isasagawa sa panahon ng emergency o crisis.
Para sa official foreign travel na tatlong buwan o mas maikli at walang emergency o crisis, maaari nang aprubahan ng DILG Regional Directors ang biyahe ng mga provincial, city at municipal elective officials. Saklaw din ng regional directors ang ilang travel request ng appointive officials at empleyado depende sa haba at sitwasyon ng biyahe.
Sa mga barangay naman sa component cities at municipalities, DILG Provincial Directors ang aaksyon sa foreign travel ng elective at appointive officials na lalampas sa tatlong buwan o isasagawa sa panahon ng emergency o crisis. Para sa mga barangay sa highly urbanized at independent component cities, DILG City Directors ang may kaukulang awtoridad.
Epektibo ang bagong mekanismo simula Setyembre 7, 2026 at patuloy na maaaring isumite online ang mga aplikasyon sa pamamagitan ng Foreign Travel Authority Online System (FTA OS). Ayon sa DILG, layunin ng pagbabago na mapabilis at ma-decentralize ang pagproseso ng ilang foreign travel request habang nananatili sa kalihim ang approval authority sa mga itinalagang opisyal at sitwasyon.
- Latest




















