‘Malinaw na paningin, malinaw na buhay’
Gaya ng paningin, kadalasa’y pinapansin na lamang natin ang isang bagay kapag nawawala.
Lalo na para sa isang magsasaka, mahalaga ang malinaw na mata upang makita ang kanyang taniman, makaiwas sa panganib at makapagtrabaho nang maayos. Para sa isang estudyante, kailangan ito sa pagbabasa. Para sa isang matanda, ang simpleng pagkilala sa mukha ng apo ay isang malaking bagay.
Kaya hindi maliit na bagay ang serbisyong pangmata na inilalapit sa mga Isabelino.
Mahigit 15,000 residente na ang natulungan ng programang “Sagip Mata, Sagip Buhay” ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa pamumuno ni Gov. Rodito T. Albano. Kamakailan nga’y 118 residente ang sumailalim sa libreng eye consultation at iba pang serbisyo sa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City.
Hindi lamang nananatiling bilang lamang ng mga pasyenteng nagkaroon ng panibagong pag-asa. Sa likod ng bawat bilang ay isang taong maaaring matagal nang nagtitiis sa malabong paningin dahil walang pambayad sa espesyalista.
May magsasakang hirap makita ang kanyang ginagawa. May magulang na nahihirapang basahan ng aralin ang anak. May nakatatandang unti-unting nawawalan ng kakayahang makilala ang mga taong mahalaga sa kanya.
Dito nagiging makabuluhan ang serbisyong inilalapit sa komunidad. Hindi na kailangang hintayin pang lumala ang problema bago magpatingin. At hindi dapat maging hadlang ang kahirapan para magkaroon ng pagkakataong makakita nang malinaw.
Sana, ganito ang maging pamantayan ng serbisyong publikong ehemplo ni Gov. Albano. Hindi na hinihintay ang tao na lumapit sa gobyerno, kundi’y gobyerno na ang lumalapit sa tao.
Dahil ang tunay na sukatan ng isang programa ay hindi lamang kung ilang libo ang naisulat sa accomplishment report, kundi kung ilang buhay ang naging mas maaliwalas dahil dito.
Para sa mahigit 15,000 Isabelino, ang malinaw na paningin ay maaaring mangahulugan ng mas ligtas na trabaho, mas maayos na pag-aaral at mas magandang kalidad ng buhay.
Minsan, hindi kailangan ng malaking proyekto para makita ang tunay na silbi ng gobyerno. Sapat nang tulungan ang isang tao na makakita muli nang malinaw.
* * *
Para sa komento: [email protected].
- Latest



















