Unang Asiad gold target ni Wong

MANILA, Philippines — May anim na gold medals si Philippine national wushu artist Agatha Wong sa Southeast Asian Games at gusto rin niyang magreyna sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Nangako ang 28-anyos na si Wong na ibibigay ang lahat para makamit ang kanyang kauna-unahang Asiad gold.
“I think iyong pinaka-goal ko lang this year is hindi magkamali and maipakita ko talaga iyong pinapaghirapan ko this past few months,” wika ni Wong. “So sana it will translate to a medal.”
Nag-uwi si Wong, isang third year medical student sa University of the East Ramon Magsaysay (UERM) Medical Center, ng bronze medal sa 2018 Asiad sa Jakarta-Palembang, Indonesia bago minalas sa 2022 edition sa Hangzhou, China.
“Definitely, Japan and then China, Singapore and Brunei. Ever since I started competing sila lagi iyong apat na countries na palaging nagkakabaligtaran ng medals,” ani Wong.
Sasalang si Wong sa women’s taijijian/taijiquan, habang lalaro si Jenifer Kilapio sa women’s 52kg sanda.
Ang men’s team ay binubuo nina Jones Inso (taijijian/taijiquan), Alex de los Reyes (taijijian/taijiquan), Mark Lester Ragay (daoshu/gunshu), Sandrex Gainsan (changquan), Mark Polo (changquan), Carlos Baylon (sanda 56kg), Gideon Padua (sanda 60kg) at Vander Alipio (sanda 65kg).
Ang nag-iisang Asian Games gold ng Pilipinas ay nagmula kay Rene Catalan na naghari sa men’s 52kg sanda noong 2006 edition.
- Latest



















