EDITORYAL — Ngitngit ni Sec. Teodoro
“Mahiya naman kayo!”
Ito ang matapang na sagot ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. matapos siyang abutan ng note habang nagsasalita sa Seoul Defense Dialogue sa South Korea.
Nakasaad sa naturang note ang posisyon ng China na ilegal at walang bisa ang 2016 arbitral ruling sa South China Sea.
Hindi basta opinyon lamang ng Pilipinas ang kanyang ipinagtatanggol.
Noong 2016, ibinasura ng arbitral tribunal ang legal na batayan nang malawak na nine-dash-line claim ng China.
Nakita rin nitong nilabag ang sovereign rights ng Pilipinas sa ating exclusive economic zone.
At habang patuloy na tinatanggihan ng Beijing ang arbitral ruling na ito, nagpapatuloy din ang tensiyon sa West Philippine Sea.
Nitong Setyembre 2, isang Chinese fighter aircraft ang humarang sa Philippine aircraft na nagsasagawa ng regular maritime patrol sa Bajo de Masinloc.
Sa ganitong sitwasyon, hindi masamang magkaroon ng Defense secretary na handang magsalita nang diretso.
Hindi nangangahulugan ang diplomasya na kailangang manahimik kapag hinahamon ang ating karapatan.
Maaari tayong makipag-usap sa China habang malinaw na ipinagtatanggol ang ating teritoryo at karapatan sa ilalim ng international law.
Ngunit higit sa matapang na salita, kailangan itong suportahan ng kakayahan.
Dito mahalaga ang ginagawa ring pagpapalawak ng Pilipinas sa defense cooperation. Kailangan ng Pilipinas ng kaalyado sa sitwasyong ito.
Noong nakaraang Agosto 22, 2026, nilagdaan ang Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA), sa pagitan ng Pilipinas at Japan. Dahil dito, lalong tumibay ang ugnayang militar ng dalawang bansa. Ang agreement ay nagbibigay-daan sa sandatahang lakas ng dalawang bansa na magpalitan ng logistical support sa kanilang mga aktibidad. Maaari rin itong gamitin sa joint exercises at humanitarian at disaster response operations.
Sa Seoul, nakipagpulong si Teodoro sa South Korean Defense Minister upang talakayin ang military cooperation, maritime security at modernization ng AFP. Tinalakay rin nila ang pagtatayo ng mas matibay na credible deterrent posture para sa Pilipinas.
Ito ang mas mahalagang direksiyon.
Dahil mas nagiging makabuluhan ang diplomasya kapag alam ng kabilang panig na kaya rin nating manindigan.
- Latest




















