EDITORYAL — Panganib ng leptospirosis
Pagkatapos ng baha, hindi agad natatapos ang panganib.
Habang humuhupa ang tubig sa mga kalsada at unti-unting bumabalik sa normal ang buhay, isa namang panganib ang lumilitaw: leptospirosis.
Sa loob lamang ng dalawang linggo, 845 bagong kaso ang naitala sa bansa. Umabot na sa 4,285 ang kabuuang kaso. As of August 22, 25 percent na tumaas mula sa 3,440 na naitala hanggang August 8.
Ramdam na rin ang epekto nito sa mga ospital. Bilang tugon, nag-activate ang gobyerno ng leptospirosis fast lanes sa 33 DOH hospitals sa Metro Manila at ilang rehiyon sa Luzon.
Ang pamunuan ng Jose Reyes Memorial Medical Center sa Maynila ay nagsabing punuan na ng pasyenteng may lepto ang ospital. Maraming nagtutungo roon para magpakunsulta. Ang ibang ospital ay marami ring pasyenteng may lepto.
Mahalagang hakbang na mayroong fast lanes ang mga ospital. Sana, tumanggap din ang mga pribadong hospital ng mga pasyenteng may lepto upang mabawasan ang nagsisiksikang pasyente sa mga pampublikong ospital. Pero dapat tandaan na hindi sapat ang fast lane sa mga ospital kung taun-taon ay pareho rin ang problema tuwing bumabaha. Wala nang naiba.
Madaling sabihan ang publiko na huwag lumusong sa baha. Pero para sa maraming Pilipino, hindi ito simpleng pagpili. Kailangang pumasok sa trabaho, umuwi sa pamilya, bumili ng pagkain, o ilikas ang gamit sa bahay. Sa mga lugar na ilang araw bago humupa ang baha, minsan ay wala talagang ibang daraanan.
Kaya hindi lamang personal na pag-iingat ang sagot sa leptospirosis. Kasama sa problema ang maruming kapaligiran, tambak na basura, maraming daga, baradong drainage at paulit-ulit na pagbaha.
Dapat may agarang konsultasyon at prophylaxis para sa mga nalusong sa baha. Sa katunayan, pinapayuhan ngayon ng DOH ang mga na-expose na magpakonsulta sa loob ng 24 hanggang 48 oras kahit wala pang sintomas. Dapat ding tiyaking may sapat na gamot, kama at dialysis capacity ang mga ospital.
Pero ang tunay na prevention ay nagsisimula bago pa makarating ang pasyente sa fast lane. Noong nakaraang taon, sinabi ng MMDA na ipagbabawal ang pagligo sa baha lalo ang mga bata. Bakit hindi ito ipatupad?
Kung alam nating baha ngayon at leptospirosis ang maaaring sumunod makalipas ang ilang araw, hindi na ito sorpresa. Paulit-ulit na itong nangyayari. Hindi na dapat maulit ang pagsisiksikan sa mga ospital dahil sa pagkakasakit ng lepto na maari namang maiwasan. Huwag nang hintayin pa na may mamatay sa sakit na ito.
- Latest




















