‘Magnanakaw din sila’ is not a defense
“Puro na lang confidential funds ni Sara. Paano naman ang flood control?”
Ito ang madalas na depensa at linya ng kampo ni Vice President Sara Duterte, na ngayon ay nililitis ng Senate impeachment court sa samu’t saring kaso, kabilang ang mga akusasyon ng malawakang pandarambong.
Nakakatawa ang argumentong ito. Una, kapansin-pansin na hindi nito dini-deny ang kuwestiyonableng paggamit ng P125 milyon. Nagtuturo lamang sila sa iba pang magnanakaw.
Pangalawa, hindi nagiging inosente ang isang magnanakaw dahil may iba pang magnanakaw. Ang linyang “magnanakaw din sila” ay hindi depensa. Ito ay pag-amin. Para kang nahuling nangupit at ang sagot mo: “Eh, paano naman ang pangungupit ng kapitbahay?” Congrats. Hindi ka napawalang-sala; umamin ka lang na may ninakaw ka rin.
Pangatlo, kung flood-control corruption ang pag-uusapan, kasama sa kuwento ang mga Duterte.
Sa panahon ni Rodrigo Duterte, ang mga Discaya ang naging isa sa mga pangunahing contractor na tumabo ng bilyun-bilyong pisong halaga ng government contracts. Ayon sa mga ulat, sa pagitan lamang ng Hulyo 2016 at Disyembre 2017, ang Discaya-owned St. Gerrard Construction ay nakakuha ng P12.3 bilyong kontrata ng gobyerno. Paldong-paldo!
At huwag kalimutan! Sa huling tatlong taon ni Digong, ang unang distrito ng Davao City, na kinakatawan ni Rep. Paolo “Pulong” Duterte, ay nakatanggap ng humigit-kumulang P51 bilyong pondo para sa imprastruktura, kabilang ang mga flood-control project. Ang tanong, humupa ba ang baha sa Davao City?
Kaya, sino ang niloloko nila? Ang flood-control scandal ay hindi isang teleseryeng nagsimula lamang kamakailan. Sistemiko ito at tumatagos sa maraming administrasyon at mga political dynasty.
Hindi ito contest kung sino ang “mas magnanakaw.” Ito ay laban ng mamamayan para panagutin ang lahat ng tiwali sa pamahalaan.
Kaya patuloy nating bantayan ang impeachment trial. Matiyagan din natin ang Office of the Ombudsman.
Ang lahat ng sangkot sa anomalya sa confidential funds ay kailangang managot. Gayundin, ang lahat ng sangkot sa flood-control corruption, anuman ang kanilang pulitikal na kampo, kulay, o pangalan.
Malinaw ang sigaw ng taumbayan: “Ikulong na ang lahat ng kurakot!”
- Latest















