‘Flood na ‘di na-control’
Tuwing bumubuhos ang ulan, para tayong nakikipagkarera sa oras. Mabilis ang pagtaas ng tubig, mabilis din ang paglikas ng mga tao. Sa bawat pagbaha, paulit-ulit na naaalala ng mga Pilipino ang bilyon-bilyong pisong nawaldas sa mga proyektong dapat sana’y nagligtas sa kanila. Napapaisip tayo. Hanggang saan na nga ba ang nararating ng flood control programs ng gobyerno?
Ang flood control scam ay isa sa pinakamalaking kontrobersiya sa bansa, dahil tinatayang higit P118 bilyon ang nawaldas sa mga “ghost projects,” overpriced contracts, at kickbacks na dapat sana’y nagbigay proteksiyon laban sa baha. Kaya’t sa tuwing umaapaw ang estero at barado ang drainage, hindi lang ulan ang sinisisi, kundi ang mga tiwaling opisyal na kumita mula sa pondo ng bayan.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nabawasan na ang pagbaha dahil sa mga hakbang ng pamahalaan. Ang dating hanggang dibdib na baha ay hanggang tuhod na lang. Totoo, may mga pumping stations at dredging na nakatulong, at may mga lugar na hindi na kasing lala ng dati. Ngunit kung titingnan ang kabuuan, hindi pa rin maikakaila na malawak pa rin ang pinsala tuwing may bagyo at habagat.
Tama ang Pangulo na may epekto ang ginagawa ng gobyerno. Pero mali kung iisipin na sapat na ito. Ang pagbaha ay hindi lang dapat “nabawasan”, dapat itong mapigilan. Ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kapag ang mga Pilipino ay hindi na kailangang magbuhat ng gamit at maglakad sa tubig tuwing tag-ulan.
Pero teka, nasaan na nga ba ang mga dapat managot sa mga anomalya at scam sa flood control projects? Ang flood scam ay malinaw na halimbawa ng korapsyon na direktang nagdudulot ng panganib sa buhay ng mga Pilipino. Hindi sapat ang pagbawas ng baha kung ang mismong pondo para sa proteksiyon ay pinagsasamantalahan at ninanakaw.
- Latest
















