^

PSN Opinyon

Editoryal — Paalala ng maanomalyang flood control projects

Pilipino Star Ngayon

SA tuwing sinasalanta ng bagyo ang bansa­, laging bumabalik ang usapan sa maano­mal­yang flood control projects.

Sa Marikina, umabot sa second alarm ang ilog at napilitang lumikas ang mga residente. Ayon sa ulat, hindi umano gumana ang Tumana Pumping Station kaya hindi agad nailabas ang tubig-baha patungo sa Pasig River. Kung ito ay totoo, malinaw ang aral: kahit may impras­traktura, wala itong silbi kung hindi ito guma­gana sa oras ng pangangailangan.

Sa Cainta, Rizal, lumubog sa baha ang ilang subdibisyon na dati ay hindi naman binabaha.
Sa Parañaque City, may mga kalsadang hindi­ madaanan dahil malalim ang baha. May mga sub­dibisyon doon na kailangang sip­sipin ng DPWH ang tubig baha para ma­bilis na humupa.

Pero ang pinakamabigat ay ang sitwasyon sa Bulacan, kung saan nasa 200 flood control projects ang nakabinbin sa ilalim ng DPWH Bulacan First District Engineering Office.

Nasa mga lugar ito na matagal nang bina­baha at apektado ng high tide—Hagonoy, Ca­lumpit, Malolos, Paombong, Bulakan, Pulilan, at iba pa. Ang ilan ay natigil dahil sa isinasa­ga­wang imbestigasyon sa umano’y flood control scandal.

Ngunit hindi rin dapat maging kapalit ng imbestigasyon ang kawalan ng aksyon.

Kapag huminto ang mahahalagang pro­yekto nang walang malinaw at malinis na pa­raan ng pagpapatuloy, ang publiko ang doble ang pina­pasan. Una, nawawala ang pondong dapat sana’y proteksiyon nila. Ikalawa, mas tumi­tindi ang pagbaha dahil naantala ang mga solusyon.

Hindi puwedeng maging dahilan ang imbestigasyon para hindi na kumilos ang gobyerno. Dapat pabilisin ang pagsusuri at pagtutuwid ng mga proyekto, habang hinahabol nang buong lakas ang mga taong nagpasasa sa pondo ng bayan.

Panahon na para managot ang mga kumita sa kickback, mag-audit nang lantaran, at pon­dohan ang mga bagong proyektong hindi har­diflex ang laman kundi katotohanan.

Ang bawat pisong ninakaw sa flood control­ ay isang buhay ang maaaring lumubog sa baha. Panahon na para singilin ang mga kawatan. Kawawang mamamayan ang nagdurusa sa ka­nilang katakawan sa pera ng bayan. Tapusin na ang kanilang pagkagahaman.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with