Sa abroad: ‘Di sapat ang diploma at lisensiya mo!
Isa sa mga hamon na madalas kaharapin ng mga propesyonal na Pilipinong nangi-ngibang-bansa ay ang pagkilala nito sa kanilang diploma, lisensiya, karanasan sa trabaho, at iba pang propesyonal na kredensiyal. May mga nag-aakalang sapat na ang pagiging lisensiyadong doktor, nurse, engineer, guro, dentista, pharmacist, accountant, abogado, therapist, architect, medical technologist, social worker, o beterinaryo sa Pilipinas para agad ding makapagpraktis ng kanilang karera sa bansang lilipatan. Ngunit hindi pala ganoon kasimple ang proseso.
Sa mga bansang tulad ng Canada, Estados Unidos, United Kingdom, Australia, New Zealand, at maging sa ilang bansa sa Europa at Gitnang Silangan, may mga tinatawag na regulated professions. Ibig sabihin, hindi sapat ang diploma o lisensiyang nakuha sa ibang bansa para agad na makapagpraktis. Kailangang dumaan muna ang aplikante sa mga itinakdang proseso ng lokal na licensing authority ng dinayong bansa. Maaaring kabilang dito ang pagsusuri sa diploma at transcript of records, pagkuha ng language proficiency examination, karagdagang pag-aaral, supervised training, internship, o panibagong licensure examination.
Hindi ito nangangahulugan na walang halaga ang edukasyon o lisensiya mula sa Pilipinas. Sa halip, ang hindi awtomatikong kinikilala ay ang karapatang magpraktis ng isang regulated profession. Layunin ng mga bansang ito na matiyak na ang lahat ng propesyonal, lokal man o dayuhan ay nakatutugon sa iisang pamantayan ng kakayahan, kaligtasan, at pananagutan sa publiko.
Dito nagsisimula ang isa pang malaking hamon. Habang inaayos ang kanilang credential assessment, naghahanda para sa mga pagsusulit, o kumukuha ng karagdagang pagsasanay, kailangan pa ring kumita ng mga migranteng propesyonal para matustusan ang kanilang pamumuhay. Dahil dito, marami ang napipilitang tumanggap muna ng mga trabahong hindi tugma sa kanilang propesyon. May mga engineer na nagiging factory worker o delivery driver, mga guro o nurse na nagiging caregiver o administrative assistant, at ibang propesyonal na pumapasok muna bilang crew sa restawran o ibang mabababang trabaho habang hindi pa natatapos ang kanilang licensing process.
Hindi rin pare-pareho ang sitwasyon ng lahat ng propesyon. Ang mga scientist, software developer, writer, graphic designer, at iba pang trabaho na hindi regulated ay kadalasang hindi nangangailangan ng professional license para makapagtrabaho sa isang dayuhang bansa. Mas mahalaga ang antas ng edukasyon, karanasan, kakayahan, portfolio, at resulta ng interview. Samantala, ang mga propesyong may direktang kinalaman sa kalusugan, kaligtasan, edukasyon, at sistemang legal ang karaniwang may pinakamahigpit na rekisito sa pagkilala ng foreign credentials.
Sa kabila ng mga balakid, marami pa ring Pilipinong propesyonal ang nagtatagumpay. Matapos masunod ang mga rekisitos, nagkakalisensiya sila para makapagpraktis ng kanilang propesyon. Ngunit mayroon ding iba na hindi na ito naipagpatuloy dahil sa kakulangan ng panahon, gastusin, o iba pang obligasyon sa pamilya. Nananatili na lamang sila sa trabahong una nilang napasukan, lalo na kung sapat naman ang kinikita at nakapagbibigay ito ng mas magandang buhay sa kanilang pamilya.
Kaya napakahalaga ng sapat na paghahanda bago pa man umalis ng Pilipinas. Alamin kung regulated ba ang kanilang propesyon sa bansang pupuntahan, anu-ano ang mga dokumentong kakailanganin, gaano katagal ang proseso ng licensing, magkano ang posibleng gastusin, at kung may kakayahan silang tustusan ang kanilang sarili habang hindi pa sila nakapagpapraktis ng kanilang karera sa pupuntahang bansa. At baka merong mga proseso na magagawa habang narito pa sila sa Pilipinas.
* * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest


















